Wednesday, March 17, 2010

Maganda Ang Kahapon (Kay Efren)

Kahapon...
Mabilis ang hakbang ng mga paang
Animo'y naghahabulan,
Matining ang halakhak ng dalawang
Tinig na nagbibiruan--
Mga pinong kurot sa tagiliran,
Mga hampas ng maliliit na kamay.
Ganoon tayo noon
Ay, kay sarap ng kahapon!

Nguni't nang lumaon...
Binuksan ang puso't
Naghayag ng damdaming
'Di kayang tumbasan.
Parang isang balaraw na
Tumimo sa aking likuran.
Nakapanghihinayang...
Ay, kay lungkot ng kahapon!

Ngayon...
Iisa na lamang ang aninong
Naglalakad sa sinag ng araw.
Wala na ang habulan, tawanan at biruan--
Parang isang batang naglalaro ng taguan,
Umiiwas na baka ako ay matanaw.
Kung magagawa ko sanang
Mahalin ka ng higit pa sa isang kaibigan
'Di sana'y maganda pa rin ang ngayon?